Nakakatuwa namang mag-celebrate ng Independence Day dito sa Spain. Mga Spanish kasi ang dating sumakop sa atin. Ngayon malaya na tayo at dito mismo nagdiriwang sa sarili nilang bansa, sa lupain ng mga sundalo at pari na sumakop at nang-abuso sa ating bayan sa loob ng maraming taon. Pero syempre naman, iba na ang panahon ngayon.
*****
Ang Spain ay isa na sa mga bansang tumutulong sa ating bayan sa maraming paraan. At ito na ang pangalawang bayan para sa mga katulad naming dito na nagtatrabaho sa loob ng marami ng taon. Marami ng Pinoy ang ngayon ay Spanish citizens na rin. Mula sa pagiging mananakop natin, masasabing malapit na partner na natin ngayon ang Spain. Kung baga, Facebook friends na ang Filipinas at España.
*****
Subalit ano nga ba ang diwa ng pagdiriwang ng Kalayaan? Bakit natin ito ginagawa? Ano ang kahalagahan nito sa isang ordinaryong OFW? Ano ang ibig nitong sabihin sa buhay ng isang pamilyang Filipino dito sa España?
*****
Ang tema ng Independence Day 2011, sa Filipinas at kahit saan man sa buong mundo, ay "Kalayaan: Paninindigan ng Bayan". Ito ay isang paghamon sa ating lahat na ipagpatuloy, ipaglaban at panindigan ang ating natamong kalayaan. Pero sandali lang, sino ba ngayon ang kalaban?
*****
Malaya na tayo sa mga mananakop na Español, subalit ang ating bayan ay alipin pa rin ng kahirapan. Dahil dito, marami sa ating ang napilitang umalis sa ating saraling bayan upang magtrabaho sa abroad at magkaroon ng mas magandang buhay. Iniwan ang mga pamilya at kaibigan. Nagtitiis sa mahirap na trabaho abroad upang may maipadala lamang sa mga kamag-anak na nangangailangan.
*****
Tapos na ang panahon ng armadong pakikipaglaban para sa kalayaan. Ang ating kaaway ngayon ay ang kahirapan. At hindi ito nagagapi sa pamamagitan ng armas o away, kung hindi sa pamamagitan ng sama-sama nating pagkilos para umunlad ang ating bansa. Sana wala ng "kami-kami" o "kayo-kayo". Kailangan lahat tayo ay magtulungan sa pagpapaunlad ng ating bayan. Kahit sino pa ang umupong lider o presidente ng Filipinas, kung hindi natin susuportahan, walang mangyayari. Dapat magkaisa ang gobyerno, mga tao sa Pilipinas, mga OFW, at mga pribadong grupo para sa ikauunlad nating lahat. Tama na ang awayan. Tama na ang pag-iisip ng para sa sarili lamang.
*****
At tama na rin ang puro salita lamang. Isagawa natin ang pagtutulungan at pagkakaisa. Ngayong araw ng kalayaan, ako ay nangangakong sa aking maliliit na paraan ay tutulong ako sa aking bayan at sa mga kababayan, lalo na sa mga nandito din sa Spain:
1. Tutulong akong mapaganda ang imahen ng Pilipinas at mga Filipino sa pamamagitan ng pagsasalita ng mabubuti tungkol sa bansa ko at sa aking mga kababayan.
2. Susunod ako sa mga batas at alituntunin at hindi ako magbibigay ng suhol upang makatakas sa aking mga pananagutan o mapabilis ang aking mga transaksiyon.
3. Magtatapon ako ng basura sa tamang paraan at susunod ako sa batas trapiko.
4. Sasali ako sa mga grupo at activities na tumutulong sa Pilipinas o sa mga Filipino.
5. Hindi ako manlalait at manchichismis ng aking kapwa OFW dito sa Spain.
*****
Sa araw ng Kalayaan, ako ay taas-noo bilang Filipino. At haharapin ko ang mga responsibilidad at hamon upang maging bahagi ako sa pag-unlad at pagkakaisa ng bayan ko. Halikayo, samahan niyo ako!
Kalayaan: paninindigan ng bayan. Mabuhay ang Filipinas! Mabuhay ang mga Filipino sa España! Maligayang araw ng kalayaan mga kababayan!
No comments:
Post a Comment