Pinoy ako. Proud ako sa lahi ko. Nakikipag-away ako pag feeling ko inaapi ako ng ibang mga lahi dahil sa pagka-Pinoy ko. Ayaw ko din kapag minamaliit o pinipintasan ng mga puti ang ibang Filipino o ang bansa nating Filipinas. Kaya sobra akong disappointed kapag nakakakita ako ng Pinoy na tarantado, kupal, manloloko at sinungaling. Ang tawag ko sa ganitong klase ng Filipino: ang gagong Pinoy. Dito sa España, meron akong isang kilala.
*********
Itago natin siya sa pangalang Manuel (maaring ito din ang kanyang tunay na pangalan). Katrabaho ko dati siya sa pinapasukan naming bar/restaurant. Pero tatlong buwan na mula noong siya ay tinanggal sa trabaho. Ang dahilan: nagnanakaw pala siya ng pera sa caja. Lahat kaming Filipinong kasamahan niya, napahiya sa kanyang ginawa.
**********
Noong una, ayaw pa niyang umamin na nagnanakaw siya. Nagpasama pa siya sa akin sa embassy, magpapatulong daw sa illegal na pagtanggal sa kanya. Noong nakikipag-usap na kami sa taga embassy, pinakinggan ko ang mga kwentong sinasabi niya. Aba, ibang-iba ang sinasabi niya sa alam kong nangyayari sa aming trabaho! Hindi daw niya alam kung bakit siya pinagbibintangang nagnakaw. Subalit tumahimik lang ako. Pagkatapos kunin ang statement niya, sabi ng taga embassy, tutulungan daw si Manuel. At sa mismong harap namin, tinawagan ng taga embassy ang aming employer. Kung alam lang niya na hindi lang magnanakaw si Manuel, sinungaling pa.
**********
Pagkatapos nilang mag-usap, ang sabi ng taga embassy kay Manuel, "Bakit ka nagsinungaling sa akin?" Hindi makasagot si Manuel, hindi mapakali sa upuan. "Kuha ka daw sa security camera, tatlong gabi kang nagnanakaw ng pera, ginawa mo ba?" Biglang tumayo si Manuel at nagsisigaw, "Taga embassy ka, bakit sila ang pinapaniwalaan mo? Wala kayong silbi!" Kawawang taga embassy, siya pa ang nasisi.
*********
Pagkatapos ng isang linggo, nabalitaan kong dinampot ng pulis si Manuel para imbestigahan. Nag-denuncia kasi ang aming employer dahil sa kanyang pagnanakaw. Ebidensiya ng pulis ang mga CD ng aming security camera kung saan huling-huli si Manuel na kumukuha ng pera sa caja.
*********
Hindi doon natapos ang katarantaduhan ni Manuel. Isa na rin siya sa mga napapabalitang nagbebenta ng shabu. Siya daw ang tagakuha sa opisina ng correo kung may mga darating na sulat na may lamang shabu. Minsan nakasalubong ko siya, bangag at mapula ang mata, halatang naka-high siya. Wala siyang pakialam sa mga nakakasalubong niya sa kalsada, lahat binabangga niya.
**********
Subalit ang pinakamasakit ay noong i-denuncia siya ng mismo niyang pamilya dahil sa abuso at pananakit sa asawa at mga anak nila. Madalas daw niya itong gawin kapag lasing o high siya sa droga. Minsan, ang mga kapitbahay pa nilang Spanish ang tumatawag ng pulis kapag inaaway niya ang kanyang pamilya.
**********
Noong isang araw, naglalakad ako galing sa trabaho. Nakasalubong ko si Manuel. As usual, nakainom na naman, amoy alak. Umuutang sa akin, kahit 20 euros lang daw. Sabi ko wala akong pera, meron lang akong 5 euros, iniaabot ko sa kanya. Ayaw niyang kunin, magwithdraw daw ako para may maibigay sa kanya. Ngumiti na lang ako at iniwanan ko na siya. Habang papalayo ako, naririnig ko siyang sumisigaw, minumura at nilalait ako. Wala daw akong silbi.
**********
Hay, Manuel, bakit gago ka? Ikinahihiya ka na ng iyong pamilya. Ikinahihiya din kita na Filipino ka. Ayaw mong magtrabaho ng marangal. Drug pusher ka na, addict ka pa. Inaabuso at sinasaktan mo ang iyong asawa at mga anak. Ibinaon mo sila sa utang dahil sa iyong mga bisyo. Marami ka ng niloko at inutangang ibang Filipino. Ikaw at ang mga katulad mong tamad at tarantado ang sumisira sa malinis na pangalan ng mga Filipino dito sa España. Mabuti na lang, kunti lang kayong mga gago: makulong na sana lahat kayo kung ayaw ninyong magbago.