Bilang ng Mga Bisita

Showing posts with label FIFA World Cup. Show all posts
Showing posts with label FIFA World Cup. Show all posts

Wednesday, July 14, 2010

Si Mang Satur at ang Mahiwagang Bisikleta

Katatapos lang ng World Cup 2010. Champion ang Spain.  Masaya ang game, kahit medyo pisikal ang laro ng Netherlands.  Sinubaybayan ko ang buong World Cup mula simula hanggang final game.  Lumabas pa ako para magcelebrate nung nanalo ang Spain.  Ang saya, nagwawala ang mga tao!  Naisip kong magblog tungkol dito.  Pero ngayong tapos na, nagtatanong ako: eh ano naman ngayon kung nanalo ang Spain?  Bumuti ba ang buhay ko?  Naging biktima ba ako ng panandaliang saya para bumili ng cerveza sa bar, t-shirt ng World Cup, at magbayad sa Canal +?  Really, anong magandang idinulot sa akin ng pagkapanalo ng Spain sa World Cup?  Sa iyo?


**********

Hayaan ko na ang World Cup.  Isipin ko na lang na nag-enjoy naman ako sa panonood at pagsubaybay sa mga laro ng Spain.  Ikukuwento ko na lang ang nangyari kay Mang Satur at sa kanyang bisikleta nung umaga pagkatapos ng World Cup.

**********

Alas sais ng umaga.  Sa Pilipinas, medyo madilim pa pag ganitong oras.  Naalala ko yung lola ko, nagwawalis na sya sa bakuran pag gising ko ng umaga.  Mga kalat na dahon, plastic, at kung ano ano pa.  Wawalisin sa isang lugar, pagsasamahin doon sa kung saan nya iniipon ang mga basura araw araw.  Tapos susunugin.  Maganda daw sa puno ng mangga namin yung usok para mas maging mabunga at para umalis ang mga insekto.  Hindi ko pa alam kung ano ang polusyon noon.

*********

Dito sa Spain kapag summer, mataas na ang araw kapag alas sais.  Palabas na ako sa bahay para magtrabaho.  Puyat ako dahil sa football, medyo nakainom pa ako habang nanonood at nagse-celebrate kagabi.  Pero kailangang bumangon at pumasok.  Sumagi sa isip ko habang naliligo: nagdeclare kaya ang Spain ng Holiday ngayong araw?  Tapos narealize ko, hindi naman ako apektado kahit holiday, kelangan ko pa rin namang pumasok.  Hay, buntong-hininga sabay shampoo.

*********

At paglabas ko sa kalsada, nakita ko si Mang Satur, kapitbahay naming Pinoy.  Matagal na sya sa Spain, mahigit 12 years na.  Nagtatrabaho sya sa restaurant, sa kusina.  Marami daw silang Pinoy sa trabaho nya, mga cocinero at waiter.  Papasok din sya sa trabaho, pang-umaga siya siguro.  Pero kakaiba si Mang Satur ngayong araw, galit na galit.  Hawak ang isang upuan ng bisikleta.

*********

"Peste!  Kung sino man ang nagnakaw ng bisikleta ko!!!"  Nawawala ang bisikleta ni Mang Satur na ikinandado nya sa bakal na paradahan ng mga bisikleta.  Naalala ko na medyo bago pa ang bike nya, ilang buwan pa lang nyang nabili.  Laging nakakandado yun doon kapag hindi nya ginagamit.  Pero ngayon, nawawala ang bisikleta, pati ang kandado at cable.  Tanging naiwan na lang sa kanya yung upuan na tinatanggal nya at ipinapasok sa bahay.


*********

"Napag-tripan yung bisikleta ko!"  Galit pa rin sya, paikot-ikot.  Parang umaasang makikita nya yung bisikleta nya o yung magnanakaw.  Kasama na namin ang binatilyong anak ni Mang Satur, kinakausap ang tatay na kalimutan na nya yung bike.  Diretsong Spanish na magsalita ang bata, dito na kasi pinanganak.  Namamangha ako sa bilis matuto ng Spanish kapag bata!  Habang ako, dumudugo pa rin ang ilong sa pagsasalita ng Spanish kahit medyo matagal na rin ako dito.

*********

Tingin ko, hopeless na na makita pa ang bisikleta.  Niyaya ko si Mang Satur na magreport na lang sa police.  Sabi nya, wala din namang mangyayari.  Nanakawan na pala sya dati, nagdenuncia sya, wala ngang nangyari. Magkano ba ang bili mo sa bike?  Mura lang, sabi nya, 80 euros.  Aba, ang mura naman, sagot ko.  Binenta lang daw ng isang lalake sa kanya, hindi nya kilala.  Naisip ko, baka nakaw din.  Ah, kaya naman pala!

**********

Sa wakas, kumalma din si Mang Satur.  Tsaka baka ma-late kami sa trabaho.  Kaya sabay na kaming pumunta sa istasyon ng autobus.  Hawak pa rin nya ang upuan ng kanyang bisikleta.  Alam ko, nag-iisip syang bumili ulit ng bisikleta.  Hay, Mang Satur....

Sunday, July 4, 2010

Football at Rebajas

Kaninang gabi (kung matatawag ngang gabi kahit may araw pa pero pasado alas dies na), tinalo ng Spain ang Paraguay sa FIFA World Cup 2010.  Ang score 1:0.  Pasok na ang Spain sa semi-finals, kakalabanin ang Germany sa susunod.  Syempre, tuwang-tuwa ang mga Espanyol.  Nagsisigawan, nagbubusina sa kalye ang mga  driver ng sasakyan.  Parang noong araw pag nananalo ang Ginebra sa PBA.  Isipin mo, dehado ng 4 points ang Ginebra sa Game 7, last 5 seconds, bola pa ng kalaban.  Tapos biglang inagaw ni Jaworski ang bola at nagshoot from the midcourt.  Pasok, may foul pa!  So may free throw si Jawo.  Pag napasok nya, may overtime.  Kaya lang, sadya nyang imimiss yung free throw at irerebound yung bola.  Last one second, patalikod nyang ibabato ang bola sa ring.  Pasok!!!!  Masaya ang mga fans ng Ginebra, nagwawala ang buong barangay!  Ganun kanina ng manalo ang Espanya.  Hindi pa championship yan!

**********

Dati, hindi ako mahilig sa football, super duper boring!!!  Nung nasa Pilipinas pa ako, at may football sa tv, nanunuod lang ako ng mga 10 minutes.  Sinisipa ang bola, pinapasa, inaagaw, kabila naman ang sisipa, maaagaw, lalabas ang bola.  Opppsss, 10 minutes na, wala pang nangyayari.  Lipat na lang ng channel sa HBO.

**********

Hindi kasi katulad ng basketball ang football.  Pero basketball naman ang uso sa Pilipinas.  Sa football, 90 minutes na takbo, sipa, agawan, pero pwedeng matapos ang laro na walang nakaka score.  Sa basketball, ang daming score!  Wala pa akong nabalitaang basketball game na natapos na walang puntos, haaaahhh!!!

*********

Ewan ko ba bakit mahilig ang mga Pinoy sa basketball, eh maliliit naman tayo.  Impluwensya siguro ng mga Amerikano.  May mga nagsasabi na football ang bagay sa atin kasi maliksi at mabibilis tumakbo ang mga Pinoy. Yung isang kaklase ko na lang nung elementary, pag may kainan, ZOOOOOMMMM!!!!  Nasa harap ng pila sa pagkuha ng pagkain kaagad.  Six years kami sa elementary, laging sya ang nauuna.  Eh kung nagfootball sya at lagyan ng pagkain sa likod ng net, ewan ko na lang kung mahahabol pa sya ng mga taga-depensa pag sya ang may dala ng bola.

*********

At may ilang araw na rin mula ng magsimula ang rebajas o sale dito sa Espanya.  20%-50% ang discount, minsan mas malaki pa.  Kaya naman pila pila sa mga tienda.  May iba akong kaibigan, bumibili ng kahit ano, maka rebajas lang.  Kahit naman hindi nila kailangan, bumibili, makamura lang.  Sa isip nila, nakatipid pa rin  sila.  Sale nga naman kasi.

*********

Ano kayang bibilhin ko din ngayon rebajas?  Pantalon sa Zara? T-shirt sa H&M.  Bag sa Mango?  Sa Pilipinas din yata, sumasabay ang mga European brands sa sale.  Pero mukhang mahal pa rin pag naconvert sa peso.  Ang 15 euros na t-shirt ay 800 pesos na rin.  Mas mura pa rin sa Divisoria at Greenhills.

*********

Bakit dito sa Spain sarado ang mga tienda tuwing Linggo?  Yun pa naman ang madalas na bakasyon ng mga tao.  Hindi tulad sa Pilipinas na Mall Day ang Sunday.  Pagkatapos magsimba, diretso sa mall ang pamilya.  O di kaya, sa mall na nagmimisa, tapos sa food court na kakain after ng communion.  May iba, tumitingin-tingin lang o magmemeryenda.  Meron naman ang hilig ay window shopping.  Pero meron din nagpapalamig lang sa libreng aircon ng mall.

**********

Pero dito sa Spain, dahil sarado ang mga tienda, hindi makapag shopping ang mga Pilipin pag Linggo.  Kaya madalas, namamasyal lang sa park o sa beach.  O di naman kaya ay nasa bahay, nagvivideoke, nanood ng TFC o nagse celebrate ng birthday.  Kaya pag wala kang naihandang regalo sa nag imbita sa iyo, sorry na lang at wala ng mabilhan pag Linggo.  Minsan ok na rin yun kasi may excuse ang mga katulad kong kuripot o walang pera kung bakit walang bitbit na regalo para sa may birthday.

*********

Learn Spanish
Vocabulary Tagalog to Spanish:   sayang   :   lastima