Bilang ng Mga Bisita

Sunday, August 1, 2010

Yes! Bakasyon na!!!!


Sa wakas, Agosto na:  buwan ng bakasyon para sa karamihan ng mga Español.  At dahil nasa bakasyon ang amo o kaya ay sarado ang negosyo, bakasyon din ang marami nating kababayan syempre (maliban na lang siguro sa mga nasa Baleares, Canarias, at Malaga na abala sa mga among ngayon naman nagdatingan para magbakasyon sa mga isla at playa).

**********

Si Tita Tina nga, last week pa umuwi sa Pilipinas, isang buwang bakasyon.  Ang swerte nya, mahabang pahinga. Tinawagan ko kanina, nasa Mall of Asia daw, nag-Jollibee kasama ang mga pinsan kong bata.  Hay, na-miss ko tuloy ang cheeseburger, palabok fiesta at Chicken Joy!  Bakit kasi wala pang Jollibee dito sa Spain.  Siguro pag meron, dun ako kakain every Sunday!

**********

Pero nagtataka din ako kay Tita Tina, sabi nya ubos na daw ang inuwi nyang pera!  Aba eh yun yata ang bonus nilang mag-asawa kasama ang isang buwang sweldo nila.  Kasi nga naman, pamasahe pa lang, libo na.  Eh tatlo pa silang umuwi.  Di bale, sabi nya nung hinatid ko sila sa airport, hulugan daw naman yung ticket na binili nya.  Pwede daw bayaran hanggang six months pagbalik nila.  Magastos pero sulit naman, kasi makakasama nila ang mga kamag-anak namin sa probinsya.

*********

Ako hindi na umuwi, kahit may isang buwan din akong bakasyon. Nanghihinayang ako sa gastos.  Mahigit dalawang taon na rin akong hindi nakauwi, syempre miss ko na rin ang aming pamilya.  Mabuti na lang at sa panahon ngayon, may internet na. Madali na lang mag-usap, may videocam pa!  At madalas din naman kaming magchat ni nanay (oo, matanda na siya pero may facebook din sya!) Mabagal nga lang siyang mag-type, inaabot siya ng siyam siyam bago matapos ang isang sentence.  Kaya nagpabili ako ng mike at videocam nya para mag-usap na lang kami.

**********

Sabi ko kay nanay, ipapadala ko na lang na pera yung pamasahe at gastos sa pag-uwi.  Idagdag niya sa maliit na piggery at poultry na pinagkakaabalahan nya.  Tuwang-tuwa si nanay.  Madadagdagan daw niya ang mga alaga niya dahil sa ipapadala ko.  Sana lumago ang itinayo niyang negosyo.  May tatlong taon na rin naman ito, so far, may kinikita naman siya para sa mga gastos niya at pang-allowance ng mga pinsan ko na sa kanya humihingi ng baon tuwing umaga.

**********

Yung sobra sa ipapadala ko, ipapang-down daw niya sa lupang sakahan na ibinebenta ng kapit-bahay namin.  Payag naman daw kasi ang may-ari na magdown lang muna, tapos unti-unti na lang bayaran ang balanse.  Pangalawa na itong lupa na mabibili ni nanay kung sakali.  Yung pang-uwi ko sana last year, yun ang pimambili nya dun sa una.

*********

Biro ko kay nanay, bakit sya pumapayag na hindi muna ako umuwi, hindi nya ba ako nami-miss kaya mas gusto niya ang pera na lang?  Muntik siyang maiyak sa biro ko.  Sabi niya, gustong-gusto daw niya akong makita, pero nagtitiis lang daw siya.  Kaya nga niya iniipon yung aking mga padala at inilalagay sa negosyo para balang araw, kung gusto kong umuwi at doon na manirahan ulit sa amin, ay meron na kaming mapagkukuhanan ng pera.  Yan ang aking ina, mabait at senti.

*********

Hawak ko na ngayon ang 3,500 euros na pang-uwi ko sana.  Bukas ko ipapadala sa Pilipinas (sana maganda ang exchange rate).  Hindi ko man nakita ngayong taon ang aking mga mahal sa buhay, umaasa ako na sa pamamagitan ng pagtitiis ngayon at pag-iingat sa aking munting ipon, balang araw ay magkakasama kami ulit, hindi lang para sa bakasyon, kung hindi pangmatagalan.

*********

Para sa aking mga kamag-anak at kaibigan na nagbakasyon sa Pilipinas, sulitin nyo ang pag-enjoy!!!  I-todo ang oras kasama ang mga mahal sa buhay.  Magpahinga at mag-relax bago tayo sumabak ulit sa trabaho.  Pero huwag masyadong mag-iinom at makikipag-away.  At pagbalik niyo, huwag kakalimutan ang aming mga pasalubong!!!

**********

Para sa mga kababayan na kasama kong naiwan dito sa Spain at hindi nakapagbakasyon sa Pilipinas, heto ang sa inyo:  isang video ng balikbayan paglapag sa NAIA.  Panoorin niyo at mainggit kayo (wag niyo lang gayahin ang ginawa nyang pag-video habang palapag ang eroplano dahil ito ay sobrang delikado!!!):






2 comments:

  1. dapat i-ban si kuya sa pagsakay ng eroplano...magvideo daw ba?!!!

    pero nakakatuwa, maiintindihan mo naman kung bakit sya excited.

    ReplyDelete
  2. ayan! namiss ko na naman ang pinas! nakita ko na naman si jabee (tawag ng mga pamangkin ko ke jollibee). namimiss ko rin ang mga commercials na pinoy :) weird, pero totoo. napacreative nating mga pinoy eh..di nauubusan ng mga ideya...love your own!

    ReplyDelete