Katatapos lang ng World Cup 2010. Champion ang Spain. Masaya ang game, kahit medyo pisikal ang laro ng Netherlands. Sinubaybayan ko ang buong World Cup mula simula hanggang final game. Lumabas pa ako para magcelebrate nung nanalo ang Spain. Ang saya, nagwawala ang mga tao! Naisip kong magblog tungkol dito. Pero ngayong tapos na, nagtatanong ako: eh ano naman ngayon kung nanalo ang Spain? Bumuti ba ang buhay ko? Naging biktima ba ako ng panandaliang saya para bumili ng cerveza sa bar, t-shirt ng World Cup, at magbayad sa Canal +? Really, anong magandang idinulot sa akin ng pagkapanalo ng Spain sa World Cup? Sa iyo?
**********
Hayaan ko na ang World Cup. Isipin ko na lang na nag-enjoy naman ako sa panonood at pagsubaybay sa mga laro ng Spain. Ikukuwento ko na lang ang nangyari kay Mang Satur at sa kanyang bisikleta nung umaga pagkatapos ng World Cup.
**********
Alas sais ng umaga. Sa Pilipinas, medyo madilim pa pag ganitong oras. Naalala ko yung lola ko, nagwawalis na sya sa bakuran pag gising ko ng umaga. Mga kalat na dahon, plastic, at kung ano ano pa. Wawalisin sa isang lugar, pagsasamahin doon sa kung saan nya iniipon ang mga basura araw araw. Tapos susunugin. Maganda daw sa puno ng mangga namin yung usok para mas maging mabunga at para umalis ang mga insekto. Hindi ko pa alam kung ano ang polusyon noon.
*********
Dito sa Spain kapag summer, mataas na ang araw kapag alas sais. Palabas na ako sa bahay para magtrabaho. Puyat ako dahil sa football, medyo nakainom pa ako habang nanonood at nagse-celebrate kagabi. Pero kailangang bumangon at pumasok. Sumagi sa isip ko habang naliligo: nagdeclare kaya ang Spain ng Holiday ngayong araw? Tapos narealize ko, hindi naman ako apektado kahit holiday, kelangan ko pa rin namang pumasok. Hay, buntong-hininga sabay shampoo.
*********
At paglabas ko sa kalsada, nakita ko si Mang Satur, kapitbahay naming Pinoy. Matagal na sya sa Spain, mahigit 12 years na. Nagtatrabaho sya sa restaurant, sa kusina. Marami daw silang Pinoy sa trabaho nya, mga cocinero at waiter. Papasok din sya sa trabaho, pang-umaga siya siguro. Pero kakaiba si Mang Satur ngayong araw, galit na galit. Hawak ang isang upuan ng bisikleta.
*********
"Peste! Kung sino man ang nagnakaw ng bisikleta ko!!!" Nawawala ang bisikleta ni Mang Satur na ikinandado nya sa bakal na paradahan ng mga bisikleta. Naalala ko na medyo bago pa ang bike nya, ilang buwan pa lang nyang nabili. Laging nakakandado yun doon kapag hindi nya ginagamit. Pero ngayon, nawawala ang bisikleta, pati ang kandado at cable. Tanging naiwan na lang sa kanya yung upuan na tinatanggal nya at ipinapasok sa bahay.
*********
"Napag-tripan yung bisikleta ko!" Galit pa rin sya, paikot-ikot. Parang umaasang makikita nya yung bisikleta nya o yung magnanakaw. Kasama na namin ang binatilyong anak ni Mang Satur, kinakausap ang tatay na kalimutan na nya yung bike. Diretsong Spanish na magsalita ang bata, dito na kasi pinanganak. Namamangha ako sa bilis matuto ng Spanish kapag bata! Habang ako, dumudugo pa rin ang ilong sa pagsasalita ng Spanish kahit medyo matagal na rin ako dito.
*********
Tingin ko, hopeless na na makita pa ang bisikleta. Niyaya ko si Mang Satur na magreport na lang sa police. Sabi nya, wala din namang mangyayari. Nanakawan na pala sya dati, nagdenuncia sya, wala ngang nangyari. Magkano ba ang bili mo sa bike? Mura lang, sabi nya, 80 euros. Aba, ang mura naman, sagot ko. Binenta lang daw ng isang lalake sa kanya, hindi nya kilala. Naisip ko, baka nakaw din. Ah, kaya naman pala!
**********
Sa wakas, kumalma din si Mang Satur. Tsaka baka ma-late kami sa trabaho. Kaya sabay na kaming pumunta sa istasyon ng autobus. Hawak pa rin nya ang upuan ng kanyang bisikleta. Alam ko, nag-iisip syang bumili ulit ng bisikleta. Hay, Mang Satur....
Masarap ang amoy ng sunog na dahon! Bihira ako makaamoy nun dahil sa Manila hindi yata gingawa sa bahay o kahit man lang kapit bahay namin walang nag susunog ng dahon! ....
ReplyDeleteKailan kaya ako makakauwi at kailan ko kaya maamoy ang sunog na dahon at hangin ng probinsya? :)
Pwede naman mag bicing nalang si Mang Satur dapat suggest mo sa kanya, para pag nanakaw hindi mabigat sa bulsa at kalooban nya.
Yung friend ko na taga Baguio, mahilig din sa nasusunog na dahon, mabango nga daw... hehe
ReplyDeletemabango sya para sakin, siguro dahil hindi din ako sanay sa ganung amoy hehe..
ReplyDeletehmmm, depende sa tipo ng sinusunod na dahon kung maeenjoy mo ang amoy o hindi. jeje
ReplyDeletebicing¿? depende taga saan ba si Mang Satur¿?
ReplyDelete