Kaninang gabi (kung matatawag ngang gabi kahit may araw pa pero pasado alas dies na), tinalo ng Spain ang Paraguay sa FIFA World Cup 2010. Ang score 1:0. Pasok na ang Spain sa semi-finals, kakalabanin ang Germany sa susunod. Syempre, tuwang-tuwa ang mga Espanyol. Nagsisigawan, nagbubusina sa kalye ang mga driver ng sasakyan. Parang noong araw pag nananalo ang Ginebra sa PBA. Isipin mo, dehado ng 4 points ang Ginebra sa Game 7, last 5 seconds, bola pa ng kalaban. Tapos biglang inagaw ni Jaworski ang bola at nagshoot from the midcourt. Pasok, may foul pa! So may free throw si Jawo. Pag napasok nya, may overtime. Kaya lang, sadya nyang imimiss yung free throw at irerebound yung bola. Last one second, patalikod nyang ibabato ang bola sa ring. Pasok!!!! Masaya ang mga fans ng Ginebra, nagwawala ang buong barangay! Ganun kanina ng manalo ang Espanya. Hindi pa championship yan!
**********
Dati, hindi ako mahilig sa football, super duper boring!!! Nung nasa Pilipinas pa ako, at may football sa tv, nanunuod lang ako ng mga 10 minutes. Sinisipa ang bola, pinapasa, inaagaw, kabila naman ang sisipa, maaagaw, lalabas ang bola. Opppsss, 10 minutes na, wala pang nangyayari. Lipat na lang ng channel sa HBO.
**********
Hindi kasi katulad ng basketball ang football. Pero basketball naman ang uso sa Pilipinas. Sa football, 90 minutes na takbo, sipa, agawan, pero pwedeng matapos ang laro na walang nakaka score. Sa basketball, ang daming score! Wala pa akong nabalitaang basketball game na natapos na walang puntos, haaaahhh!!!
*********
Ewan ko ba bakit mahilig ang mga Pinoy sa basketball, eh maliliit naman tayo. Impluwensya siguro ng mga Amerikano. May mga nagsasabi na football ang bagay sa atin kasi maliksi at mabibilis tumakbo ang mga Pinoy. Yung isang kaklase ko na lang nung elementary, pag may kainan, ZOOOOOMMMM!!!! Nasa harap ng pila sa pagkuha ng pagkain kaagad. Six years kami sa elementary, laging sya ang nauuna. Eh kung nagfootball sya at lagyan ng pagkain sa likod ng net, ewan ko na lang kung mahahabol pa sya ng mga taga-depensa pag sya ang may dala ng bola.
*********
At may ilang araw na rin mula ng magsimula ang rebajas o sale dito sa Espanya. 20%-50% ang discount, minsan mas malaki pa. Kaya naman pila pila sa mga tienda. May iba akong kaibigan, bumibili ng kahit ano, maka rebajas lang. Kahit naman hindi nila kailangan, bumibili, makamura lang. Sa isip nila, nakatipid pa rin sila. Sale nga naman kasi.
*********
Ano kayang bibilhin ko din ngayon rebajas? Pantalon sa Zara? T-shirt sa H&M. Bag sa Mango? Sa Pilipinas din yata, sumasabay ang mga European brands sa sale. Pero mukhang mahal pa rin pag naconvert sa peso. Ang 15 euros na t-shirt ay 800 pesos na rin. Mas mura pa rin sa Divisoria at Greenhills.
*********
Bakit dito sa Spain sarado ang mga tienda tuwing Linggo? Yun pa naman ang madalas na bakasyon ng mga tao. Hindi tulad sa Pilipinas na Mall Day ang Sunday. Pagkatapos magsimba, diretso sa mall ang pamilya. O di kaya, sa mall na nagmimisa, tapos sa food court na kakain after ng communion. May iba, tumitingin-tingin lang o magmemeryenda. Meron naman ang hilig ay window shopping. Pero meron din nagpapalamig lang sa libreng aircon ng mall.
**********
Pero dito sa Spain, dahil sarado ang mga tienda, hindi makapag shopping ang mga Pilipin pag Linggo. Kaya madalas, namamasyal lang sa park o sa beach. O di naman kaya ay nasa bahay, nagvivideoke, nanood ng TFC o nagse celebrate ng birthday. Kaya pag wala kang naihandang regalo sa nag imbita sa iyo, sorry na lang at wala ng mabilhan pag Linggo. Minsan ok na rin yun kasi may excuse ang mga katulad kong kuripot o walang pera kung bakit walang bitbit na regalo para sa may birthday.
*********
Learn Spanish
Vocabulary Tagalog to Spanish: sayang : lastima
Basketball may be my sport, but football is my religion. And let's not forget: football makes for GREAT acting lessons.
ReplyDeleteAnd correction: It's lástima.
You Filipinos always forget the accent marks. I don't understand why you keep on using Spanish names and words yet fail to spell them correctly.