Bilang ng Mga Bisita

Wednesday, September 1, 2010

Ang Pulis at Ang Pinoy

Si Spanish Pinoy ay nakikiramay sa ating mga kaibigang Chino sa nangyaring karasahan noong Agosto 23, 2010 sa Manila kung saan walong turista ang namatay dahil sa isang dating Filipino pulis na si Rolando Mendoza. Ang ganitong karahasang kumitil sa buhay ng mga bisita sa aming bayan ay walang lugar sa isang sibilisadong lipunan.

Ako ay nakikiramay din sa aking mga kababayang Filipino sa buong mundo na, dahil sa pangyayari, ay umaani ng mga puna, kung hindi man panlalait, ng mga iba´t ibang lahi na nakapanood sa mga pangyayari.

Bilang isang Filipino, masakit panoorin at balikan ang insidente, lalo na at alam ko na ito ay nasaksihan ng buong mundo. Subalit kailangan kong harapin at tanggapin na ang aking bayang pinagmulan ay isang mahirap na bansang  umaasahang umunlad. Maraming pagkukulang na dapat punan, maraming mali na dapat itama. Mahirap ang mga tao at ang gobyerno. May mga krimen na dapat puksain. Subalit ito ang mga realidad sa bayan ko, sa bayan natin.

Ngunit huwag sana nating hayaang ang pangyayaring ito ay pumatay din sa ating diwa at dangal bilang mga Filipino. Sa mata ng buong mundo, maaring si Pinoy ay lalo pang lumiit. Pero sa kaibuturan ng ating pagkatao bilang mga Filipino, huwag sana nating ibaon ang maliit na tinig na nagsasabing si Pinoy ay magaling, marangal, magiting. Payabungin natin ang tinig na ito hanggang muli ay maging isang sigaw, isang sigaw na uugong sa apat na sulok ng mundo.

Kasabay ng ating taimtim na pag-asang balang araw ay aahon ang lahi ni Juan, ituloy natin ang pagtatrabaho at pamumuhay nang ayon sa magagandang asal na itinuro sa ating bayan. Dito sa Espanya, patuluin ang pawis ng Pinoy at ipakita sa mga restaurant, bahay at empresa na ang manggagawang Filipino ay mahusay at maaasahan. Muli nating ipakita nang buong yabang sa ating mga kapatid na Espanyol na ang Pinoy ay hindi magnanakaw at kriminal. Tayo ang mukha ng Filipino: ang ating mahusay at tapat na pagtatrabaho at maayos na pagtrato sa ibang tao.

At higit sa lahat, ikwento natin sa mga bata kung gaano karangal ang Filipino at kung gaano kaganda ang ating bayan. Huwag nating hayaang ang mga kabataang pag-asa ng ating bayan ay mawalan ng yabang at pagmamahal sa ating bayan. Ikwento at kilalanin natin sina:

1.     Carlos P. Romulo, ang unang asyanong naging Presidente ng United Nations General Assembly. Noong ginagawa ang official seal ng United Nations, hinanap ni Carlos P. Romulo ang Pilipinas sa mapang nakalagay sa seal. Ang sagot sa kanya ng US Senator Warren Austin, "It's too small to include. If we put the Philippines, it would be no more than a dot."  "I want that dot!", giit ni Romulo. Ngayon, mayroong tuldok sa pagitan ng Pacific Ocean at South China Sea sa seal ng United Nations.

2.     Efren Peñaflorida, nagtutulak ng kariton na may bandila ng Pilipinas. Ang karitong ito ang kanyang ginagamit upang turuan ang mga street children sa ating bayan kahit sa mga sementeryo, kalsada at bundok ng basura. Noong 2009, siya ay kinilala ng buong mundo bilang CNN Hero of the Year.

3.     Manny Pacquiao, ang hari ng boksing sa buong mundo. Efren “Bata” Reyes, ang hari ng billiards sa buong mundo. Paeng Nepomuceno, ang hari ng bowling sa buong mundo.

4.     Nestor Suplico, ang “New York´s Most Honest Taxi Driver”. Si Suplico ay pinarangalan dahil sa pagbabalik ng mga mahahaling perlas na humigit $70,000 na naiwan sa kanyang taxi habang siya ay nagmamaneho sa New York noong 2004.

5.     Josette Biyo, isang guro na nag-aral sa mga pinakamagagaling na universidad sa Pilipinas. Iniwan niya ang marangyang sahod ng pagtuturo sa malalaking eskwelahan at siya ay nagturo sa mga bata sa liblib na barrio kung saan ang sahod niya ay mababa pa sa 250 euros. Dahil sa kanyang kakaibang sakripisyo ay ginawaran si Dr. Biyo ng Massachusettes Institute of Technology (MIT) ng isang kakaibang parangal: pinangalanan ang isang bagong diskubreng planeta sa ating galaxy bilang “Biyo”.  Ayaw mong maniwala?  Sige, igoogle mo.

7.     Melitza Anne Chan, isang nurse mula sa Iloilo at nagtatrabaho sa Saudi Arabia. Ibinalik niya ang 10 million Saudi Riyals (mahigit 150 million pesos) na, dahil sa pagkakamali, ay pumasok sa kanyang bank account.

8.     Allan Pineda, ang sikat na miyembro ng Black Eyed Peas na nagbigay pugay sa kanyang bayang pinagmulan sa pamamagitan ng kantang “Bebot” na naging international hit.

9.     Jesus Sumook, isang Filipino seaman, na itinaya ang sariling buhay upang sagipin ang isa pang marinero na nahilo at nahulog sa shaft ng barkong Saga Spray. Kinilala siya ng Swedish Mercantile Marine Foundation dahil sa kanyang kabayanihan.

10.  Ikaw, isang OFW dito sa Spain. Oo, ikaw! Katulad nila, at marami pang iba (Charice Pempengco, Lea Salonga, Paulino Alcantara, atbp.), ikaw ay isang ipinagmamalaking Filipino. Tumindig ka at ipakita mong marangal at masipag ang lahi mo hanggang makilala tayo.

Sa ganitong mga panahon nasusubok ang tibay at galing ng Pinoy.  Kung hindi tayo mismo ang tatayo at magbabangon sa ating bayan, sino?  Gamitin sana natin ang ating mga pagkakamali at pagkukulang bilang isang bayan upang tayo ay matuto at magbago. Umasa ka, malalampasan natin ito.  Uunlad din tayo.  Hahangaan ng buong mundo.  Mabuhay ka, kabayan!   Marangal, magaling at magiting ang lahi mo!


4 comments:

  1. Sang-ayon ako sa iyong mga sinabi Kabayan! Ngunit, sa isang estansa lamang nang iyong panulat ang di ko masang ayunan.
    Maaaring ngat maypagkakaali sa ginawa ni R.Mendoza. Ngunit dapat din natin hwag isang tabi na sya Limampung taon din naglingkod sa ating bayan. Sa aking lamang palagay ay ang taong ating kinamumuhian ay isang "biktima" pa rin ng masamang politika ng ating bansa...na kailangan lamang ng isang bagbabago!
    OO,AKO ay Pinoy!Ipinagmamalaki ko pa rin na lahing kayumangi ako!
    Sa ating munting pagtulong sa kapwa o ibang lahi man.Patunay lamang na tayo'y dugong Filipino!

    ReplyDelete
  2. maraming salamat sa sumulat,subalit bigyan din natin ng katwiran ang kalagayan ni Mendoza isa syang biktima para sa lahat alamin ang pinagmulan...

    ReplyDelete
  3. Kabayang Marieclaire at anonymous, salamat sa pagbasa at sa inyong mga comments. Maaring tama kayo na si Mendoza ay isa ring biktima ng ating hindi maayos na sistema. Alam natin na may mga pangyayaring ganito sa ating bayan kung saan nagiging biktima ng abuso at maling sistema ang ilan nating kababayan. Subalit naniniwala ako na ang solusyon ay hindi karahasan at pagdamay sa mga inosente. Ganun pa man, umaayon ako sa inyo na dapat tignan din ang ugat ng mga naging problema at hinaing ni Mendoza upang hindi na mangyari ito sa iba nating kapulisan at hindi na rin maulit ang pangyayari. Ito po ay opinyon ko lamang. Mabuhay kayo!

    ReplyDelete
  4. Ipagpalagay na natin na biktima nga si Mendoza ng baluktot na pamamalakad sa pulitika. Sa palagay ba ninyo at sapat na itong maging dahilan upang kumitil sya ng buhay ng mga walang kinalaman at kamuwang-muwang?

    Sa kabilang tabi, masasabi kong maraming maaaring matutunan sa pangyayaring ito. GBilang isang Pilipino at bilang isang bansa. Hangad ko lang sana ay sa pagkakataong ito ay di natin makalimutan ang mga aral ng dulot ng pangyayari...tulad ng paglimot natin sa aral ng Martial Law at EDSA Revolution.

    ReplyDelete