Bilang ng Mga Bisita

Wednesday, September 8, 2010

Of Blood and Vampires: Tengo Sangre de Sibarita

Naniniwala ba kayo sa bampira o sa aswang?  Ayon sa mga kwento, ang aswang ay isa sa mga kinakatakutang kampon ng kadiliman sa Pilipinas.  Ang mga ito ay may kapangyarihan na katulad ng pinaghalong bampira at bruha.  Sila ay may mga pakpak at nahahati ang mga katawan upang makalipad.  Sinasabing hindi lang sila umiinom ng dugo ng tao kung hindi kumakain din ng mga sanggol.  Sa makatuwid, sila ay mga alagad ng demonyo, sila ay nakakatakot, sila ay makapangyarihan.

**********

Ang mga aswang daw ay laganap sa Kabisayaan lalo na sa mga probinsya ng Capiz, Iloilo at Antique.  Subalit napabalita na mayroon na ring mga aswang sa iba pang mga probinsya, pati na sa Manila.  Sila ay kilala rin sa tawag na manananggal, tik-tik, wak-wak, at soc-soc.  Sinasabing ang mga aswang ay maaring mabuhay na parang ordinaryong tao lamang na parang galing sa barrio, mahiyain, tahimik, at malayo sa tao.  Hanggang sa pagsapit ng dilim at sila ay nauhaw.... at nag-iibang anyo.  Isipin niyo, baka may kapitbahay kayo sa Pilipinas na ganito.  Paano na ang mga pamilya niyo?

**********

Sinasabing mayroon daw mabisang pangontra sa mga aswang: ang makapangyarihan at masarap na bawang.  Napansin niyo bang ang mga bawang dito sa España ay mas malalaki kaysa sa mga bawang sa Pilipinas na mahirap pang balatan?  Ayon sa mga doctor at scientists, ang bawang daw ay maganda sa katawan dahil nakakapagpababa ng blood pressure at lumalaban sa infection.  Ayon naman sa mga albularyo at sa mga may agimat, mabisa nga daw ang bawang laban sa mga aswang.  Kaya kung kayo ay magpapadala ng mga gamit at regalo sa Pilipinas ngayong pasko, samahan niyo ng bawang.  Hindi natin alam, baka biglang mauhaw at magutom ang kapitbahay ninyong aswang.

**********

Maliban sa bawang, nakakapatay din daw ng aswang ang silver bullets at matulis na kahoy o kawayan.  Ang mga ito rin ang madalas nating makitang ginagamit sa mga pelikula upang puksain ang mga nakakatakot na aswang.  Subalit dahil mahal naman ang silver bullets, at malapit ng maubos ang mga kahoy at kawayan sa Pilipinas, mas maganda pa ring gumamit ng bawang.  Kung namamahalan pa rin kayo sa bawang, pumunta lang sa tindahan at bumili ng Boy Bawang at ito ang ipakain sa bisita ninyong aswang.

**********

Upang hindi masayang ang ating mga dugo na posible lamang na gawing meryenda ng gutom na aswang, bakit hindi tayo mag-donate ng kaunti para sa mga nangangailangang may sakit sa ospital?  Alam ba ninyong may mga namamatay dahil nauubusan ng dugo, kahit sa mga ospital?  At maganda raw ang pagdodonate ng dugo sa ating katawan, kasi napapalitan ng bagong dugo ang dumadaloy sa ating mga ugat.  Sa maiksing salita, hindi lang tayo makakatulong sa mga pasyenteng nasa bingit ng kamatayan, kung hindi napapaganda pa natin ang ating sariling katawan.  Masakit ba ang magdonate ng dugo?  Hindi, kabayan!  Mas masakit ang kagatin ng aswang.

**********

Sa mga kababayan natin na nasa Barcelona, heto tignan ninyo.  Kung magdodonate kayo ng dugo, ipagluluto at papakainin kayo ng mga pinakasikat at pinakamagagaling na chef ng Cataluña na sina Fermi Puig, Ada Parellada, at Fabián Martín.  I-click ang link sa ibaba upang magpareserba.  Sigurado, maraming magdodonate ng dugo kaya makisama at magvolunteer din tayong mga Filipino.  La donación de sangre es un gesto de civismo y de responsibilidad hacia el conjunto de la sociedad.  Kaya lang, wala kayang mga aswang na makakaamoy sa mga dugo?


                                                        http://www.tincsangde.org/sibarita/



**********

Bonus video kung kailangan ninyo ng superhero:

No comments:

Post a Comment