Bilang ng Mga Bisita

Tuesday, July 20, 2010

Kabataang Pinoy, Kumusta Ka Naman?

Kahanga-hanga ang mga batang Pinoy dito sa Spain.  At kapag sinabi kong Pinoy, kasama kayo lahat dun:  mga ipinanganak sa Pilipinas, mga dito na ipinanganak, mga magulang ay parehong Pinoy din, pati yung mga ibang nacionalidad ang isang magulang.  Oo, basta may dugong Filipino, at hindi ka pa matanda, kabataang Pinoy ang tawag sa iyo.  Pati mga medyo may edad na, wag lang SOBRANG gurang, pwede pa ring tawaging, ahemmm... kabataan (pagbigyan nyo na!).

*********

Kumusta naman kayo, mga kabataang Filipino, ayos ba tayo dyan?  Bilib ako sa inyo mga ´tol.  Ang bilis nyong matutong mag-spanish, parang minamani nyo lang.  Pasok lang sa school, nahihiya at natatakot pa kayo nung una, pagkatapos ng ilang buwan, aba ay nagsasalita na ng kastila!!!  Aba eh, nagsisimula ng magkaroon ng mga puting kaibigan.  Habang kaming mga medyo may edad na (medyo lang naman, walang basagan ng trip!), eh inabot na ng taon dito, simpleng Spanish pa lang ang kaya namin, dugo ilong pa!

*********

Pero kumusta ka naman, ok ka lang ba dyan?  Bakasyon sa school ngayon, masarap gumala.  Summer pa!!!  Sa Pilipinas, ayaw mong magpaaraw kapag summer, ang init naman kasi ang sikat ng araw (at ayaw mong umitim).  Nagpapayong ka pa nga sa atin, naaalala mo pa ba?  Sige nga, ngayon, subukan mong magpayong pag namasyal kayo ng barkada mo sa park!!!  Sya nga pala, kumusta naman ang nagdaang taon school, pasado naman o ayaw mo munang pag-usapan?

*********

Anong plano mo ngayong summer, uuwi ba kayo sa Pilipinas ng pamilya mo o gagala ka lang dito sa Spain kasama ang mga barkada?  Ok lang mag-enjoy, wala namang pasok sa school.  Pero tulad ng sabi ni nanay, laging mag-iingat, piliin ang uri ng gimik at tipo ng barkada, at huwag masyadong magpagabi ng uwi.  Maniwala kayo, lahat yata ng anak pinagsasabihan ng ganyan ng mga magulang, kasama na ako dun.  Pati siguro si nanay nyo, pinagsabihan din ng mga magulang nya nung sya ang bata.  Tanungin nyo pa ang lola nyo!  Ok lang naman mapagsabihan ng magulang minsan minsan, kaysa naman dedmahin ka ng nanay mo buong buhay.  Isipin mo yun, sinong magluluto ng pagkain mo at magbibigay ng allowance mo?!  Hirap nun ´tol, hindi yun cool.

*********

Kelan ka huling napalo ng magulang mo ´tol?  Ako, nung edad 9 yata ako, grade 3.  Matigas kasi ang ulo ko, tapos sumagot pa ako sa nanay ko.  Ayun, palo sa pwet, walis tingting pa yata ang hinampas ni mader.  Syempre, umiyak ako nun, tapos nagtatampo.  Hindi ko nga sya kinausap.  Sa isip ko, hindi-hinding kita kakausapin, kahit hanggang bukas, kahit for life!!!!  After 15 minutes, dumaan yung nagbebenta ng sorbetes.  Nanay!!!!!  Pahingi ng dalawang piso!!!!  Ayon, bati na kami.  Pero kung hindi lang dahil sa sorbetes, naku, baka hindi ko pa sya kinakausap hanggang ngayon dahil sa tampo.  Imagine mo yun, pinalo ako???

*********

Dito sa Spain, bawal ang sobrang palo sa anak.  Abuso daw yun, sabi ng batas.  Pwedeng i-denuncia ang magulang.  Karamihan sa mga magulang na Pinoy, ang pagpalo ay pagdidisiplina.  Meron akong nabalitaan, ewan ko kung tsismis lang, na meron ng kabataang Pinoy ang nag-denuncia sa kanyang nanay dahil pinalo sya.  Sa aking tingin, ok lang ang paluin minsan ang bata, huwag lang madalas at yung tipong mata na lang ang walang latay, para madisiplina.  Pero syempre, walang kapalit ang magandang usapan at halimbawa ng mga magulang upang maturuan ng tama ang mga bata.  Kaya ´tol, pag minsan pinagsabihan o pinalo ka, ok lang yan.  Promise, hindi ka namin tatawanan ahahahahaha

*********

Eh pare, ok ka lang ba talaga?  Hindi ka naman nahihirapan mag-adjust sa buhay at kultura dito sa Espanya?  Kung bago ka pa lang dito, hayaan mo lang yan, masasanay ka rin.  Tignan mo yung ibang kabataang matagal na dito, para na silang Spanish: ang suot, ang salita, ang ugali.  Meron na rin silang mga tattoo, may piercing pa.  Yung pamangkin ko ngang lalake na dito na pinanganak, may malaking butas sa tenga ´tol, may malaking hikaw.  May piercing pa sya sa may kilay nya.  Cool, noh?  Ikaw, gusto mo rin ba ng ganun?  Tattoo, butas sa tenga o dila o kilay.  Wag ka lang magpapabutas sa ilong ´tol, magmumukha kang baka o kalabaw.  Hindi cool yun.  Papaluin ka pa ng nanay mo, sigurado ako.

*********

Hindi ka naman feeling lost minsan?  Oo nga, sanay ka na sa buhay dito, may mga ilang kaibigang puti ka na nga eh.  Minsan ba hindi mo nararamdaman na iba ka sa kanila?  Iba ang kulay ng mata mo, iba ang kulay ng balat mo, iba ang kulay ng buhok mo, pango ang ilong mo!  Haha  Oo ´tol, pango ang ilong nating Filipino!  Baka Spanish citizen ka na rin, pero in-na-in ka na ba dito sa Spain?  Hindi ka ba confused minsan dahil ibang-iba ang kultura at ugali nyo sa loob ng bahay kumpara sa mga nakikita mo sa labas?  Sa mga kaibigan mong Spanish, anong tingin at turing sa iyo, Spanish din o Filipino?

*********

´Tol, iba ka kasi Pinoy ka.  Wag kang mawala, wag kang malito.  Taas-noo, Pinoy ka!  Yung mga itinuturo ng nanay at tatay mo, yun ang kultura mo, yun ang kaugalian mo.  Ibang iba iyon sa mga nakikita mo dito, pero makinig at matuto ka lang, itago mo yung mga pangaral ng pamilya mo.  Balang araw, yung mga iyon ang magpapalakas ng loob mo.  Tandaan mo, kahit maging Spanish citizen ka man, Pinoy pa rin yang puso mo, hahanap-hanapin mo pa ring umuwi sa bayan mo.  Hahanap-hanapin mo pa rin ang magandang pakisama ng mga kalahi at kamag-anak mo.  Kaya umayos ka ´tol, ipakita mo ang galing ng Filipino!

*********

Sige, ´tol, gumimik at magparty ka muna, basta alam mo lang ang mali at tama ha?  Alam mo ang bawal at pwede.  Peace, ´tol, ingat ka lagi.  Pero sa September, balik eskwela ha?!



2 comments:

  1. kristine juaban cagaoanAugust 24, 2010 at 2:04 AM

    ang kyut nman po....galing..nkakarelate po ako..hahaha
    nandito po aq sa Tarragona...

    ReplyDelete
  2. Salamat Kristine. Kung gusto mong magcontribute dito sa blog, mag email ka lang.

    ReplyDelete