Bilang ng Mga Bisita

Monday, July 5, 2010

Sin Gas, Tapas Tapas, at Pulpo



Ala eh, dito ko sa Espanya nalaman na kapag con gas ang tubig, wag mong aalugin ang bote bago buksan!  Parang Pop Cola pala yan, magagalit at tatapon pag inalog.  Muntik ko tuloy mapaliguan ang aming electric fan.  Hindi naman kasi uso ang mga mineral water na con gas sa Pilipinas.  Hindi ko nga alam kung ano sa Tagalog ang con gas eh, alangan namang "may hangin"??!

*********

Parang weird pa inumin ang con gas na tubig, parang softdrinks na hindi naman lasang softdrinks, pero presyong softdrinks.  Siguro limang beses pa lang ako nakainom ng agua con gas at hindi ko talaga ito nagustuhan.  Pati mga Pinoy na kilala ko, wala pa akong nakikitang nag-order ng con gas.  Baka tulad ko, takot din silang hanginin ang tyan.


**********


Eh lalo naman akong naguluhan dyan sa tapas tapas na yan!  Nung bagong dating ako, tatlong araw akong hindi nakakain ng kanin.  Pumasok ako sa McDo, walang kanin.  Akalain mo yun, eh sa Pilipinas eh paborito kong agahan yung longsilog sa McDo (available 7:00am-10am) dahil sa maraming bawang ang sinangag.  Pumunta din ako sa KFC, merong brown na kanin pero hindi naman totoong kanin (sige orderin nyo yung parang kanin sa KFC at malalaman nyong hindi ito ang kaning hinahanap nyo). 

**********

Kaya naman halos mapatalon ako sa tuwa nung makita ko ang nakasulat na tapas tapas.  Aba eh, meron naman palang tapa dito eh.  Sa Pilipinas, masarap yung tapang baboy ramo at tapang usa.  Yung kapitbahay namin nagtatapa ng karne ng baka: ibababad sa suka at toyo tapos ibibilad sa araw.  Pag naprito, naku, siguradong ubos ang kanin sa kaldero.  Salamat at dito sa Espanya ay meron ding tapa.  Siguro naman may kasamang kanin yun, baka may maanghang na suka pang sawsawan!  O kahit wala ng kasamang kanin, basta tapa.  Pwede na rin isabay sa matigas na tinapay.  Kaya ako ay lalo pang natakam.  Ako ay pumasok sa tapas tapas bar para kumain ng walang kamatayang tapa.

**********

Nakakain na rin ako ng pulpo.  Pulpo Gallego.  Hindi ko alam dati kung anong tawag sa Espanyol sa pugita, itinuro ko lang sa waiter.  Naalala ko kasi yung ginagawang pulutan ng tatay ko na pugita (oo, pogi tayo!).  Papakuluan lang daw ng konti, pag nasobrahan ay kukunat na daw.  Hihiwain ng maninipis ang pugita, kasama ang maitim na dugo.  Lalagyan ng kamatis at sibuyas.  Pulutan na.

**********

Pagkatapos kong ituro sa waiter ang aking order na pulpo gallego, may tinanong sya.  Aba eh, kung marunong akong mag espanyol para maintindihan yang mabilis na sinasabi mo, eh di dapat sinabi ko na sa kastila yung order ko!!!  Pero gusto kong makakain ng pulpo, natatakam na ako. Kaya "si" lang ng "si".  Para beber? "Si!"  Cerveza? "Si!".

**********

Dumating ang cerveza.  Ang tagal ng pulpo!  Dumating ang pulpo, nasa malaking plato!  Anak ng...  Pulutan lang ang gusto ko, hindi pang-ulam ng tatlong tao!  Asa pa akong alam ko kung papano sabihin ito sa Espanyol.  Pagkatapos ng dalawang baso ng cerveza, kinuha ko na ang bill ko: 25euros.  Hindi ko man lang nakalahati yung pulpo gallego.  Di bale, masarap naman.  25 euros nga lang.

**********

Learn Spanish
Vocabulary Tagalog to Spanish:     may hangin   :   con gas  (hahaha)

5 comments:

  1. masarap din ang bomba at chipirones!

    ReplyDelete
  2. ano yung bomba?

    ReplyDelete
  3. bomba= patatas con relleno.

    ReplyDelete
  4. Yung tito ko mahilig sa bomba, yung gawa ni Jorge Estregan hehe joke!

    ReplyDelete
  5. Hindi ko yata kilala yang Jorge Estregan na sinasabi mo.

    ReplyDelete