Pinsan ko si Kuya Vincent, kapitbahay namin sa probinsya. Anak sya ni Tita Belen, kapatid ng nanay ko. High school ako nung pumunta sya dito sa Spain, halos 10 years din syang nauna sa akin. Napetisyon na rin nya yung asawa nya at dalawa nilang anak, parehong babae, 14 at 16 ang edad. Tingin ko mga 44 years old lang si Kuya Vincent, pero mukha na syang 50.
*********
Dati ng masipag si Kuya Vincent, sa Pilipinas pa. Meron syang dyip na minamaneho, meron pa syang maliit na poultry. Hindi naman sya mabisyo noong araw. Ang alam ko, naninigarilyo sya (kahit nagmamaneho ng dyip!!!) at minsan minsan ay umiinom sila ng gin ng mga kaibigan at kumpare nya kapag hapon. Paborito nilang pulutan yung inihaw na bangus, sawsawan ang toyo na may kalamansi at sili. Pero hindi pa sya addict noon.
*********
Nabalitaan ko na lang sa nanay ko na luluwas na pala sa Manila si Kuya Vincent kasi pupunta na sya dito sa Spain. Pinetisyon ni Tita Belen. Ang sabi sa amin, magtatrabaho daw sya sa malaking restaurant, kung saan matagal ng nagtatrabaho si Tita. Nainggit pa nga yung ibang kapitbahay namin. Ang usap usapan, manager na daw kasi si Tita Belen sa restaurant kaya madali nyang napetisyon ang anak nya. Maraming kapitbahay ang lumalapit kay tita para makapunta din sa Spain. At mula nung umalis si Kuya Vincent, wala na akong masyadong naging balita sa kanya. Hindi ko alam na naging addict na pala sya.
********
Nagkita ulit kami noong dumating ako dito. Napansin ko na agad na parang kakaiba na si Kuya Vincent. Payat sya. Balisa. Mailap ang mata. Dry ang balat. Parang lumilipad ang isip pag kausap. Hindi katulad ng mga pictures na pinapadala nila dati sa Pilipinas. Naramdaman ko rin na parang may gap sila ng kanyang asawa at mga anak. Nanibago ako kasi hindi ito ang balitang nakakarating sa aming probinsya.
*********
Ang hirap palang magkwento pag ganito, mabigat yung issue tapos pinsan ko pa ang involved. Mas madaling magkwento tungkol sa bisikleta ni Mang Satur, sa mga kalapati o sa World Cup. Pero HOOOYYYYY!!!! Baka isipin nyo tsismis lang ito, hindi noh?! Umamin na sa akin kagabi si Kuya Vincent na addict sya.
**********
Nagsimula daw iyon mga apat na taon na. Sa restaurant na pinapasukan nya. Marami silang Pinoy sa kusina, pati hepe ng kusina, Pinoy din, taga Ilocos daw. Dun daw sya unang nakatikim. Pagkatapos kasi ng trabaho nila ng alas 12 ng gabi, lalo ng pag bakasyon nila sa susunod na araw, nagkakatuwaan sila: kunting inom, magluluto sila ng pulutan sa kusina at maghahapi hapi. Nalaman nyang pag ganung may inuman pala, meron ding pot session. Dun sya nakatikim ng shabu.
*********
Ewan ko ba, mabait naman sa tingin ko si Kuya Vincent kung ano ang nagtulak sa kanyang tumikim. Sabi nya, pakikisama lang daw nung una, at syempre, curious din sya. Then later on, naramdaman nyang parang may energy sya at hindi inaantok kapag naka shabu. Kaya kahit walang inuman o pot session ang grupo nila sa kusina, bumabatak na syang mag-isa. O kaya sa bahay ng katrabaho nya. Pati sa sariling bahay nya, sa loob ng kuarto nilang mag-asawa. Kung saan-saan daw nya itinatago ang droga, baka makita ng pamilya nya at ina na kasama rin nila sa bahay. Ang hindi nya alam, nagsisimula na silang makaramdam sa kanyang kalokohan.
*********
Sa shabu nagsimula ang kalbaryo ni Kuya Vincent. Na-try din daw nyang mag marijuana at cough syrup. Hanggang hindi nya namalayan, wala pang isang taon mula nung makatikim sya, nalulong na sya sa droga. Madalas silang mag-away ng asawa, lalo na pag pinagsasabihan sya tungkol sa bisyo nya. Naging malupit din sya sa kanyang dalawang anak na pareho na nyang pinagbuhatan ng kamay, ilang beses. Ang huli ay noon lang nakaraang linggo, kung saan itinago ng kanyang pamilya ang nahanap nilang droga sa cabinet ng damit ni Kuya Vincent. Galit na galit sya. Pilit ipinapalabas ang droga. Nasaktan nya pati ang nanay nyang si Tita Belen.
*********
Umuwi nung isang araw sa Pilipinas ang asawa at mga anak ni Kuya Vincent. Magbabakasyon daw, pero hindi nila alam kung kelan sila babalik. Gusto nilang tumakas sa impierno na dati nilang tinatawag na bahay. Gusto nilang lumayo sa taong nang-aabuso at nananakit sa kanila na dati nilang tinatawag na asawa at ama. Sayang ka Kuya Vincent. Ngayon, wala kang trabaho, lubog sa utang, itinakwil ng iyong sariling pamilya, pati ng iyong ina. Sana kaya mo pang magbago. Naaalala ko tuloy nung ikaw ay nasa probinsya pa at nagmamaneho: ang saya-saya mo, pati ng pamilya mo.
Naalala ko si Kuya nung masaya pa sila ng pamilya nya, buo at walang problema. Kung meron man kayang kaya nila dahil magkakasama sila. Ngayon, sira na ang lahat, wala ng matatawag na tatay, wala nadin kilalang anak,mga anak nya pag nakikita sya mas pinipiling umiwas ng tingin o kaya lumihis ng daan para lang hindi makita ang dating tatay na tinitingala at nirerespeto.. nawala ang lahat dahil sa walang kwentang shabu!
ReplyDeleteDito din sa Spain si Kuya mo?
ReplyDeleteOo asa spain din si Kuya.
ReplyDeleteang asawa ko parang ganyan din kay kuya vincent mo..magbabago pa kya sila..babalik pa kya sila s dating sila...
ReplyDelete