Bilang ng Mga Bisita

Wednesday, July 7, 2010

Por Favor, Pwede Ba?!

Isang maalinsangang gabi. Mainit din pala dito sa Spain kapag summer. Hindi man lang gumagalaw ang mga dahon. Mahirap matulog sa ganitong init. Buksan ang bintana. Itutok ang electric fan (yung muntik ng mabuhusan ng aqua con gas).  Sana may aircon kami.  Mabuti pa yung bahay namin sa Pilipinas na walang gumagamit, may aircon, dito nagtitiis sa init.  Kung sumipol kaya ako, hihihip ang hangin?  O doon lang sa Pilipinas nangyayari yun?

**********

Eh ano bang magandang gawin sa ganitong init?  Tapos na akong mag Facebook at mag check ng email.  Mag-update na lang ng blog.  Heto ang topic ko, bagay sa mainit na panahon:  Ang aking Wishlist na sana mangyari sa ating mga kababayan sa Spain.

**********

Por favor, pwede ba, mag-aral tayo ng idioma?  Abaý napang-iiwanan tayo ng ibang lahi sa uri ng trabahong pwedeng pasukan dahil sa kakulangan natin ng kakayahang umintindi at magsalita ng Spanish!  Nasasayang ang ating galing at talino dahil hindi natin kayang makipagsabayan sa pag-iintindi, pagsasalita, at pagsusulat ng Spanish.  Wag na tayong mag-ilusyon na kaya natin ang sumabak sa buhay dito dahil lamang sa tingin natin ay marami namang salitang Spanish ang katulad ng mga salitang Tagalog.  Mali!  Kailangan nating tandaan na ang pag-aaral ng idioma ay unang hakbang sa ating magandang kinabukasan dito, lalo na at nagbabalak tayong manatili na sa bansang ito.  Tama?

*********

Por favor, pwede ba, tama na ang tsismis!  Sa Pilipinas, at sigurado ako, pati na rin dito sa Espanya, ang dami-daming away at problemang ibinubunga ng mapilantik na dila.  At ang tsismis ay walang mabuting naiidulot sa ating sarili at sa ating mga kapwa.  Kaya´t bago pag-usapan ang ibang kababayan, tanungin natin ang ating sarili:  marami na ba akong pera, maayos ba ang buhay ko, masaya ba ang pamilya ko, wala ba akong problema?  Kung meron pa rin namang pagkukulang o pwede pang ayusin sa sarili natin, yun ang ating asikasuhin, hindi ang pagtsismis sa buhay ng iba.  Ikaw din, baka ikaw ang susunod na pagtsismisan.

**********

Por favor, pwede ba, hindi natin bahay ang kalsada!  Kapag lumabas ng bahay, isipin natin na tayo ay makikita ng iba: kapwa nating Pilipino, mga turista, at mga espanyol. Hindi kailan man naging uso para sa mga lalake ang tsinelas, shorts at kamisetang walang manggas habang tayo ay namamasyal sa Europa.  Sa mga babae, hindi rin kailan man nauso ang duster sa labas ng bahay pag wala ka sa Pilipinas.  At wag kalimutan ang buhok!!!  Naku, makakalbo sa konsumisyon ang mga kaibigan kong bakla pag nakita ang iba nating kababayan.  Kaya sana, tumingin sa salamin, kayo din baka kayo pagtsismisan (ulit).

**********

Meron pang kasunod ito.  Pero bukas na ulit, nasisira ang mood ko, masyado ng mainit.  May laban pa naman ang Espanya bukas sa Worldcup. iVamos España!  iAdios Alemania! 

No comments:

Post a Comment